Pag-ibig

 


PAG-IBIG
ni Jose Corazon De Jesus

Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!
Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata.
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata,
Tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.

Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso;
Pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pasuyo… naglalaho,
Layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.

Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.

Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod,
Pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.

Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,
Tandang ‘di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw.
Ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan,
Iyan; ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!

Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib,
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig.
Pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina,
Umibig man ay ano pa, ‘di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha,
At ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.

Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay ‘di bulag.
Ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak,
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak,
O wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!

“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.”
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal.
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay,
Minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.

Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
Kayo’y mga paru-parong sa ilawan lumiligid.
Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib,
At ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig.


PAGSUSURI NG TULA



    Naranasan niyo na bang umibig? O 'di kaya alam niyo ba ang tunay na kahulugan ng pag-ibig? Batay sa mga kilalang diksyonaryo ang ibig sabihin daw ng pag-ibig ay ito ang pagpapakita ng apeksyon sa iisang tao, sa pamilya man, o sa iisang tao na iyong iniirog. Ngunit sa tula na akda ni Jose Corazon de Jesus ay iba ang pinapahiwatig nito. Ang nakasaad sa akda na ito ay ang mga tao na umiibig daw ay lumalabas ang pagiging matapang, mapagtiis, pagkakaroon ng sama ng loob o magagalitin, at iba pa. Sumasang-ayon ako dito dahil darating ang panahon na magkakaroon ng problema sa dalawang magkarelasyon, darating yung panahon na kakailanganin natin maging mapagmatiis, maging marunong maghintay dahil 'di naman palagi na maayos ang relasyon ng dalawang tao. Ito ay normal lang sa relasyon na magkaroon ng pagkakaroon ng sama ng loob, 

    Sa panahon ngayon, marami ang nagmamahal dahil lumalaganap ang teknolohiya mas napapadali ang panliligaw dahil mayroon na silang mga selpon na ginagamit para makuha ang numero ng isang kanilang iniibig, mas napapadali siya 'di katulad dati na pati ang mga magulang ay kailangan mong ligawan. Naparating din ni Jose Corazon de Jesus, na ang pag-ibig ay may dalawang uri, pag-ibig na gagamiting ang isip, at pag-ibig na puso ang gagamitin. Marami sa atin ang nagamit ng isip pag nagmamahal, pero mas importante ang pagmamahal gamit ang puso. 



Comments

Popular posts from this blog

Ang Tren

Manggagawa

SINTESIS