Manggagawa

 

Manggagawa

Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.

Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi a lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon'y nagyayabang.

Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata ay kamau mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.

Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan.....
Bawat patak ng pawis mo'y yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.

Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.


PAGSUSURI NG TULA

PAGSUSURI NG TULA


     Ang tulang ito ang isa sa pinaka-nagustuhan ko sa mga tula ni Jose Corazon de Jesus, ang pinaparating nitong kaisipan ay ang pagpapahalaga sa ating mga manggagawa dahil sila ang nagsisilbing pundasyon sa ating pamumuhay ngayon. Paano? Ang mga magsasaka ay tinagurian na ring mga manggagawa, kung wala sila, nasaan ang ating mga inaaning bigas at iba't ibang gulay ngayon? Kasama na dyan ang mga mananahi para sa ating mga nasusuot na damit sa pang araw-araw. Kung tutuusin, sila ang pinaka-importante sa ating lipunan. 

    Ang mensahe na naipaparating nito para sakin ay pahalagahan natin ang ating mga manggagawa, dahil kung para sa atin ay nagttrabaho lang sila para sa kanilang kinabukasan, ngunit sa ibang ideya nito ay ginagawa nila ito para sa kapwa nila. Ang mga magsasaka at mangingisda ay nagttrabaho at nagsisikap para may maiuwing pagkain para sa kanilang pamilya at maibenta ito sa merkado para sa lahat. 

    Maiuugnay natin ang pagpapahalaga sa ating mga manggagawa sa panahon ngayon ng pandemya, kung saan nagkakaroon ng pagkukulang o pagkakaubusan sa suplay ng pagkain, pumapasok dyan ang trabaho ng mga magsasaka at mga mangingisda dahil nagdodoble kayod sila para malutasan agad ang krisis sa kakulangan ng suplay ng pagkain. Isa pa ay ang ating mga frontliner, sila ay nagbubuwis ng kanilang buhay para makatulong sa mga nagkakaroon o na-aapektuhan ng COVID19. 




Comments

Popular posts from this blog

Ang Tren

SINTESIS