Ang Tren
ANG TREN
sa himpilang kanyang lungga,
ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga,
ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana.
Ang rail na lalakara’y
nakabalatay sa daan,
umaaso ang bunganga at maingay na maingay,
sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan.
O, kung gabi’t masalubong
ang mata ay nag-aapoy,
ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol
at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.
Walang pagod ang makina,
may baras na nasa r’weda,
sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada,
tumetelenteng ang kanyang kampanada sa tuwina.
“Kailan ka magbabalik?”
“Hanggang sa hapon ng Martes.”
At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig,
sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangis.
PAGSUSURI NG TULA
Noong maunawaan ko ang tulang ito, bukod sa simpleng mensahe na naglalarawan sa isang tren na maglalakbay, naisip ko din na parang buhay ng tao ang inilalarawan na kung saan kahit di ganun kasaya ang mga pangyayari, tuloy padin tayo at sa dulo ay sinasabi na may mga taong posibleng mawala sa buhay natin at posibleng may mga bumalik din. Ang mensahe na nakuha ko sa tulang ito ay, kahit ano pa man ang mangyari sa ating buhay, dapat ay tuloy-tuloy pa rin tayo. Katulad ng isang tren, na walang pagod ang makina, ito ay tuloy-tuloy pa rin sa pag-andar. Nabanggit din sa tulang ito ang paglisan ng isa sa magkasintahan at naiwan ang isang nananangis dahil ang kanyang iniirog ay matatagalan pa ang pagbalik. Sa panahon ngayon, mapapansin natin na marami sa atin ang sumusuko na agad pag pagod na, pag nahihirapan na ay nasuko na. Dapat ay ito nila'y mabasa para maunawaan nila na ang buhay ay 'di dapat agad sinusukuan, kahit ano man ang dumating na pagsubok, kailangan ay tuloy-tuloy pa rin. Katulad ng isang tren na kahit maingay na ang makina, ay tumutuloy pa rin ito sa pag-andar dahil ito ay may kailangang marating.
Comments
Post a Comment