Ang Buhay Ng Tao

ANG BUHAY NG TAO

Inakay na munting naligaw sa gubat,
ang hinahanap ko’y ang sariling pugad;
ang dating pugad ko noong mapagmalas
nang uupan ko na ang laman ay ahas.

Oh! ganito pala itong Daigdigan,
marami ang sama kaysa kabutihan;
kung hahanapin mo ang iyong kaaway,
huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.

Ako’y parang bato na ibinalibag,
ang buong akala’y sa langit aakyat;
nang sa himpapawid ako’y mapataas,
ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.

Mahirap nga pala ang gawang mabuhay,
sarili mong bigat ay paninimbangan,
kung ikaw’y mabuti’y kinaiinggitan,
kung ikaw’y masama’y kinapopootan.

At gaya ng isdang malaya sa turing
ang langit at lupa’y nainggit sa akin;
subalit sa isang mumo lang ng kanin,
ako’y nabingwit na’t yaon pala’y pain.

At sa pagkabigo’y nag-aral na akong
mangilag sa mga patibong sa mundo;
kahit sa pagtulog, huwag pasiguro’t
bangungot mo’y siyang papatay sa iyo.

Ang buhay ng tao ay parang kandila
habang umiikli’y nanatak ang luha;
buhat sa pagsilang hanggang sa pagtanda,
ang luksang libinga’y laging nakahanda.

Ang palad ay parang turumpong mabilog,
lupa’y hinuhukay
sa ininug-inog;
subalit kung di ka babago ng kilos,
sa hinukayan mo’y doon mahuhulog.


PAGSUSURI SA TULA



     Sinabi ni Jose Corazon de Jesus na ang kalagayan ng mundo at mga tao ay ang talagang kailangan ng mundo. Ang tula na ito ay may malalim na kahulugan at ang mga salita nito ay malalim din. Makikita natin sa tula na ito na mayroon siyang malikhaing paraan ng pagsulat ng mga tula at labis siyang interesado na talakayin ang kanyang sarili at lipunan. Naniniwala siya na mayroon tayong mga kaaway sa paligid natin na hindi natin napapansin at mayroong higit na kasamaan sa mundo kaysa sa kabutihan. Sa gitna at dulo ng tula, nais niyang iparating na walang mas mahirap kaysa sa hindi pagkilos at pagbabago ng iyong pamumuhay, ngunit gawin mo at ilipat ang iyong pangarap upang ang iyong buhay ay mabago. Lahat tayo ay may matinding paghihintay, may kinaiinggitan at kinasusuklaman. Lahat tayo ay may mahirap o nakakatakot na mga karanasan na nagpapatalsik sa atin sa ating buhay. Gawin natin ang ating makakaya upang mabago ang takbo ng ating buhay upang mabago natin ang lungkot at pighati sa mundong puno ng kasakiman.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Tren

Manggagawa

SINTESIS